Caritas in veritate (Charity in truth)
Dahil sa dokumentong ito muling napanibago ng Espiritu ang pananaw ko sa negosyo.
Bakit ko halimbawa di dapat pagtaniman ng sama ng loob ang mga kostumer ko na kulang magbayad? Ang mga pulubi at hangal na araw-araw nanghihingi ng limos ay di ikauunlad ng negosyo. Pero ano ang katotohanan ng pagiging mapagbigay (truth in charity) di lamang ng disenyo ng pagkita ng isang negosyo? Ito'y ang katotohanan ng pag-ibig ng Dyos noong tayo'y makasalanan pa. Nagbigay ng sarili ang Dyos ng libre. Sya mismo ang ipinambayad sa krus para sa ating mga kasalanan o pagkakautang.
Hindi nga umiiral ang aking negosyo para lamang kumita. Pero ang pagbibigay ay nakabase pa rin sa katotohanan upang ito'y tunay na maging mapagbigay (charity in truth). Hindi ako nagpapautang dahil nauubos ang aking kapital at di na bumabalik pa. Ito ay nakabase pa rin naman sa katotohanan. Paminsan luho na ang nagbubunsod sa iba upang mangutang at di na pangangailangan. Pero nagpapaluwag pa rin ako paminsan-minsan. Subalit madalas ay nawawala ang kostumer ko dahil sila ay nangutang sa akin. (Mabuti pa nung di pa nangungutang dahil madalas syang bumili sa akin.) Magpapakita na lamang pagkatapos ng limang taon kapag ang listahan ay naitapon na (at umaasang ito ay nalimot mo na). Isipin na lamang na baka talagang nagkaroon sila ng matinding pangangailangan noon. Pero ang utang na mani at alak na di binayaran ay ibang usapan na. Ang mga katotohanang ito ng buhay ay dapat tanggapin upang maging tunay at makatotohanan ang iyong pagbibigay. Di basta-basta na lamang nagbibigay.
Meron akong tinulungan upang magkaroon siya ng negosyo. Kalimitan mas mahalaga pa ang mga munting payo ko sa kanya sa buhay kumpara sa pagnenegosyo. Lugi na naman ako dahil maaaring di na niya mabayaran ang pahiram ko sa kanya at di rin nagkaari ang kanyang sinimulang negosyo. Pero nakapagbigay ka kahit lugi o palpak ang pagtulong. Ito ay tinatawag na logic of giving higher than the logic of profit. Mas maigi nga sana na nagkaari ang negosyo niya kahit di na niya ako nabayaran. Ipinagpapasa-Diyos ko na lang kung bakit di ko siya epektibong natulungan.
Kaya nga hindi lang pagkita ang dahilan ng pag-iral ng isang negosyo. Sana ay makatulong tayo kahit palpak ang kakalabsan. IpagpasaDiyos na lang natin ang magiging resulta dahil nagawa naman natin ang abot ng ating makakaya. May mga dahilan tayo para kumilos na lagpas sa dahilan lamang ng pagkita at ito'y dapat ding bigyan ng ating oras at kakayahan. Kaya nga mas malawak na ang pagtingin mo sa pagnenegosyo. Ito'y ang pagiging mapagbigay, pero pagbibigay na nakabase pa rin sa katotohanan.
Aba Ginoong Maria....
Comments
Post a Comment